Lakas ng Isang Ama
Adapted and Edited Version
June 17, 2012
Ang lakas ng isang ama ay di sa lapad ng kanyang mga balikat,
Ito’y nadarama sa higpit ng kanyang yakap.
Ang lakas ng isang ama ay di sa lakas ng kanyang boses,
Kundi sa marahan at malambing niyang tinig.
Ang lakas ng isang ama ay di sa dami ng kanyang kabarkada,
Ito’y sa kung paano siya magmahal sa mga anak niya.
Ang lakas ng isang ama ay di sa kung paano siya tinitingala ng kanyang ka-opisina,
Ito’y sa kung paano siya ginagalang sa tahanan niya.
Ang lakas ng isang ama ay di sa lakas ng kanyang suntok,
Ito’y sa mapagmahal niyang haplos.
Ang lakas ng isang ama ay di sa lago ng buhok sa kanyang dibdib,
Ito’y sa laki ng kanyang pag-ibig.
Ang lakas ng isang ama ay di sa bigat ng kanyang buhat. Ito’y sa mga kabigatang kaya niyang iangat.
Ang lakas ng isang ama ay di sa dami ng babaeng kanyang pina-ibig,
Ito’y sa kung gaano siya katapat sa kanyang misis.
Ang lakas ng isang ama ay di sa dami ng kanyang kwarta,
Bagkus sa dami ng oras na naibibigay niya.
Ang lakas ng isang ama ay di sa angking tropeo,
Ito’y kung gaano siya kamahal ng anak nito.
Ang lakas ng isang ama ay di sa dami ng nai-inom na alak,
Kundi sa panahong kasama niya ang kanyang mga anak.
Ang lakas ng isang ama ay di sa tagal niyang gumimik,
Kundi sa giting ng kanyang pag-ibig.
Ang lakas ng isang ama ay di sa dami ng alam niyang lutuin,
Kahit prito lang – ay aming kakainin.
Ang lakas ng isang ama ay di sa dami ng kalandian,
Kundi sa mga oras na anak ang kaharutan!
Ang lakas ng isang ama ay di lang barbel ang hawak,
Pwet ng kanyang anak ay masaya niyang pinupunas.
Ang lakas ng isang ama ay di lang gin-pomelo ang kayang haluin,
Gatas ng kanyang anak ay kaya niya ring timplahin!
Ang lakas ng isang ama ay nakikita namin sa inyo,
Ang aming lakas ay nagmumula sa tiwala niyo!
Mga malalakas na ama, MALIGAYANG ARAW PO! Pagpalain nawa kayo ng Diyos na AMA NG BUONG MUNDO.